Skip to Content

Madaling Mapuntahan at Gamitin na Pagboto

Vote Center Accessibility

Noong 2020, lumipat ang County ng Los Angeles mula sa paggamit ng mga lugar ng botohan patungo sa mga Sentro ng Pagboto. Sa mga sentro ng pagboto, maaaring markahan ng mga botante ang kanilang balota gamit ang Kagamitang Pangmarka ng Balota (BMD), na may mga karagdagang makabagong tampok upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga botanteng nangangailangan ng tulong sa pag-akses at paggamit ng mga pasilidad sa pagboto. Dati, hinihiling sa mga botanteng may mga paghamon sa pagkilos o paningin na pumunta sa isang hiwalay na kubol ng pagboto; hindi na ngayon. Pinagsasama ng BMD sa iisang aparato ang lahat ng tampok na nagpapadali sa pagboto para sa mga botanteng may mga pangangailangan para sa pagpapadali ng paggamit. Bukod sa mga tampok na ito sa BMD, regular na nagsasagawa ang RR/CC ng mga pagbisita sa mga lugar ng pagboto upang suriin ang mga pasilidad at naghahanda ng mga plano sa pagpapagaan ng mga suliranin na ipatutupad sa mga sentro ng pagboto upang matugunan ang mga isyu tungkol sa pagpapadali ng paggamit.

Ang mga sumusunod ay mga serbisyong makukuha sa mga Sentro ng Pagboto sa panahon ng pagboto:

  • Madaling Mapuntahan at Gamitin na Mga Sentro ng Pagboto: Ganap na naa-akses ng lahat ng botante ang lahat ng kagamitan sa pagboto sa mga Sentro ng Pagboto. Maaaring iangkop ng mga botante ang kanilang karanasan sa pagboto upang matugunan ang kanilang mga indibidwal na pangangailangan. Maaari nilang baguhin ang mga pagkakaayos sa Kagamitang Pangmarka ng Balota, kabilang ang pagkakaiba ng liwanag ng interface ng gumagamit, laki ng teksto, anggulo ng screen, at lakas at bilis ng audio. Maaari ring bumoto ang mga botante sa alinmang Sentro ng Pagboto sa buong County sa panahon ng halalan na maaaring tumagal nang hanggang 11 araw
    • Upang humanap ng pinakamalapit na Sentro ng Pagboto, tumawag sa 213-358-2701 o magtungo sa: Humanap ng isang Sentro ng Pagboto na Malapit sa Iyo.
    • Bagama't ganap na naa-akses ng lahat ang mga kagamitan sa pagboto sa Sentro ng Pagboto, maaari mong markahan ang iyong balota sa labas ng lokasyon ng Sentro ng Pagboto (tingnan ang Pagboto sa Gilid ng Daan sa ibaba). Maaari mong iulat ang mga Sentro ng Pagboto na hindi madaling mapuntahan o magamit sa pahina ng Makipag-ugnayan.
  • Pagtulong sa Pagboto: Sa ilalim ng batas ng California, ang sinumang botante na nangangailangan ng tulong sa pagboto ay may karapatang humiling ng tulong. Maaaring magbigay ng tulong ang isang manggagawa sa Sentro ng Pagboto, o maaaring pumili ang botante ng taong nais niyang tumulong sa kanya. Kung hindi mo kayang markahan ang iyong balota nang mag-isa, maaari kang pumili ng hanggang dalawang tao upang tulungan kang bumoto. Ang mga taong ito ay hindi maaaring ang iyong taga-empleyo, kinatawan ng iyong taga-empleyo, o pinuno o kinatawan ng iyong unyon sa paggawa.
  • Mga Botanteng Gumagamit ng Upuang de Gulong: Gumagamit na ngayon ang lahat ng Sentro ng Pagboto ng Kagamitang Pangmarka ng Balota (BMD), na ganap na naa-akses ng lahat ng botante. Maaaring i-ayos ng mga botanteng gumagamit ng upuang de gulong ang anggulo ng touch screen upang maging komportable at madaling gamitin ito sa pagmamarka at pagboto sa kanilang balota.
  • Pagboto sa Gilid ng Daan: Ang sinumang botante na hindi makapunta sa lugar ng pagboto sa Sentro ng Pagboto dahil sa mga hadlang sa disenyo ng gusali o pisikal na limitasyon ay maaaring humiling na bumoto sa gilid ng daan (sa labas ng lokasyon ng Sentro ng Pagboto). May nakapaskil na karatula sa labas ng bawat Sentro ng Pagboto na naglalaman ng numero ng telepono na maaaring tawagan upang makipag-ugnayan sa isang Manggagawa sa Halalan na magdadala ng isang balota sa botante, tutulungan siya kung kinakailangan, at ihuhulog ang kanyang balota sa kahong hulugan ng balota.
  • Mga Botanteng Bulag: Sa bawat Sentro ng Pagboto sa buong County, may mga tagubilin sa pagboto na nakasulat sa malalaking letra. Maaaring ayusin ng mga botanteng nahihirapang basahin ang balota ang anggulo ng touch screen sa Kagamitang Pangmarka ng Balota upang maging komportable silang gamitin ito, palakihin ang laki ng teksto, at baguhin ang pagkakaiba ng liwanag ng screen. Maaari ring gamitin ang audio ballot function at kontroler pad kung hindi kayang basahin ng botante ang nasa screen. Palaging may mga manggagawa sa Sentro ng Pagboto na handang magbigay ng tulong.
  • Kagamitang Pangmarka ng Balota: Nagbibigay-daan ito sa mga botante na madaling iangkop ang kanilang karanasan sa pagboto ayon sa kanilang mga pangangailangan. Maaaring tingnan at markahan ng mga botante ang kanilang balota gamit ang touch screen na maaaring i-ayos sa komportableng anggulo. Maaari rin nilang baguhin ang mga pagkakaayos ng display, tulad ng laki ng teksto at pagkakaiba ng liwanag at dilim, o gamitin ang audio headset at kontrol pad upang mapakinggan at masundan ang mga nilalaman ng balota.
  • Malayuang Madaling Gamiting Pagboto sa pamamagitan ng Koreo: Ang RAVBM ay nagbibigay-daan sa mga botante na buksan, basahin, at markahan ang kanilang mga balota nang pribado gamit ang sarili nilang mga pantulong na kagamitan.
  • Mga Kahong Hulugan ng Balota: Nagsimula ang programa ng mga Kahong Hulugan ng Balota para sa Pagboto sa Pamamagitan ng Koreo bilang isang inisyatiba upang mabigyan ang mga botante ng isang ligtas na alternatibong paraan ng pagsasauli ng kanilang balota. Bukas ang mga Kahon ng Hulugan ng Balota nang 24 na oras bawat araw (o mula pagsikat hanggang paglubog ng araw) upang mabigyan ang mga botante ng ligtas, madaling puntahan, at walang direktang pakikipag-ugnayang paraan ng pagsasauli ng kanilang nabotohan na balota.

Mga Tulong sa Pagpapadali ng Pagboto sa Mga Sentro ng Pagboto

  • Pagboto sa Gilid ng Daan
  • Mga Kagamitang Pangmarka ng Balota na Magagamit ng mga Gumagamit ng Upuang de Gulong
  • Malalaking titik at sunod-sunod na mga tagubilin sa pagboto sa mga Sentro ng Pagboto
  • Mga serbisyo ng TDD para sa mga bingi at may kapansanan sa pandinig
  • Tulong ng mga manggagawa sa Sentro ng Pagboto sa bawat hakbang ng proseso ng pagboto
  • Karatula ng paradahan ng madaling paggamit
  • Interaktibong Halimbawang Balota (opsyonal na kagamitan para markahan ang iyong mga pinili sa balota bago bumoto sa BMD na nagpapabilis ng proseso ng pagboto)
  • Pagpaparehistro sa Araw Mismo ng Halalan/Kondisyunal na Pagpaparehistro ng Botante (CVR)

Mga Katanungan

Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang seksyon ng Madaling Pagboto. Para hanapin ang pinakamalapit na Sentro ng Pagboto, magtungo sa Humanap ng isang Sentro ng Pagboto na Malapit sa Iyo. Makipag-ugnayan sa amin upang ibahagi ang anumang puna tungkol sa pagiging madaling mapuntahan at magamit na mga Sentro ng Pagboto. Kumpletuhin ang Online na Porma ng Madaling Mapuntahan at Gamitin ng Botante.

Icon - Close